APRUBADO na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang plano ng pamahalaan na isapribado ang Operations and Maintenance (O&M) ng North-South Commuter Railway (NSCR) Project, na ngayon ay isinasailalim sa konstruksyon.
Inaprubahan ng Economic Development Council na pinamumunuan ng pangulo, ang O&M ng NSCR sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) Arrangement, sa meeting, kahapon.
February 2023 nang i-anunsyo ng Department of Transportation (DOTr) ang intensyong isalin ang operasyon at Maintenance ng North-South Luzon Commuter Railway, kasama ang Metro Manila Subway Project (MMSP) sa pribadong sektor sa pamamagitan ng Competitive Bidding.
Ayon sa Department of Economy, Planning and Development (DEP-DEV), ang Total Estimated Cost ng O&M Contract ay 229.32 billion pesos.
Ang NSCR ay 147.26-Kilometer Elevated Line na magpapagaan at magpapabilis sa biyahe sa tatlong rehiyon sa Luzon, na kinabibilangan ng Central Luzon, Metro Manila, at Calabarzon.
Sa kabilang banda, iniutos naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na madaliin na ang konstruksyon ng Valenzuela to Camp Aguinaldo Segment ng Metro Manila Subway Project (MMSP) upang agaran na itong magamit ng mga Commuter.
Sa kaniyang inspeksyon sa Camp Aguinaldo, sinabi ng pangulo na target na matapos sa 2028 ang paunang segment ng Metro Manila Subway.
Nagpasalamat naman si Pangulong Marcos sa Japanese Government sa tulong nito sa konstruksyon ng Subway.
Samantala, tiniyak ni Transportation Secretary Vince Dizon ang pagkikipagtulungan ng ang Department of Transportation (DOTr) sa Contractor ng Subway upang mapabilis ang konstruksyon nito.
Ayon kay DIZON sa sandaling maging Operational na ang paunang segment mula Valenzuela hanggang Camp Aguinaldo ay malaking ginhawa sa mga pasahero dahil mapapaikli nito ang biyahe mula sa isa’t kalahating oras hanggang 45 minuto na lamang.