Dapat hikayatin ng pamahalaan ang lider ng iba’t ibang industriya na ilahad ang kanilang “projection” kung anong skills o qualifications ang kakailanganin nila sa mga manggagawa sa susunod na tatlo, anim at sampung taon.
Ito ang mungkahi ng Trabaho Partylist sa layunin nitong magtagumpay ang implementasyon ng Trabaho Para sa Bayan Act upang tutukan ang pagpapalakas ng employability ng mga Pilipino.
Ayon sa grupo, makatutulong ang mga projection na ito sa pag-istratehiya ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) kung ano ang kailangang baguhin o palakasin sa kasalukuyang curriculum sa Senior High School (SHS) at Kolehiyo.
Giit ng Trabaho Partylist, isang long-term solution ang maaaring malikha ng pagtutulungan ng pamahalaan, pribadong sector at mga manggagawa upang maging employable ang mga bagong graduate ng mga susunod na taon.
Kasama dapat aniya ito sa pagbalangkas ng 3-year, 6-year at 10-year plan ng naturang batas para sa mga oportunidad para sa manggagawa at mga insentibo para sa mga kumpanya.
Dagdag ng Trabaho Partylist, tututukan nito ang implementasyon subalit ‘di lang sapat na may batas, dapat ding may magmo-monitor nito sa Kongreso upang makamit ang layunin ng Trabaho Para sa Bayan Act.
Sisiguruhin din ng partido ang mainam na koordinasyon sa pagitan ng pamahalaan, mga manggagawa at mga negosyante sa layunin nitong isulong ang kapakanan ng bawat Pilipino.