NASA high alert ang lalawigan ng Palawan at Basilan ngayong araw ng Martes, Feb. 11.
Ito ay dahil sa inaasahang debris na magmumula sa Long March 8A Rocket ng China ilulunsad mula sa Wenchang Spacecraft Launch Site sa Hainan.
Ayon sa abiso ng Office of the Civil Defense (OCD), ang rocket launch ay orihinal na itinakda noong Jan. 25 pero binago ang schedule sa araw na ito.
Ang launch window ay sa pagitan ng 9:22 a.m. at 10:16 a.m.
Bilang paghahanda inilabas ng OCD ang detalye ng tatlong drop zone kung saan inaasahang babagsak ang mga bahagi ng rocket.
Narito ang updated coordinates para sa mga zone na ito:
DROP ZONE 1: N11 54 E116 48 N12 38 E116 14 N12 58 E116 40 N12 14 E117 14 Approximate distance: 85 nautical miles from Rozul Reef.
DROP ZONE 2: N10 19 E117 52 N11 10 E117 14 N11 13 E117 49 N10 45 E118 28 Approximate distance: 40 nautical miles from Puerto Princesa, Palawan.
DROP ZONE 3: N06 44 E120 37 N07 36 E119 59 N07 55 E120 26 N07 04 E121 03 Approximate distance: 33 nautical miles from Hadji Muhtamad, Basilan.
Sa memorandum na inilabas ni OCD Deputy Administrator for Operations Cesar Idio, hinikayat ang Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Aquatic Resources (BFAR), Department of the Interior and Local Government (DILG), at ang Department of Environment and Natural Resources – National Mapping and Resource Information Authority (DENR-NAMRIA) na magpatupad ng temporary restrictions at mag-isyu ng Notices to Mariners, Coastal Navigational warnings sa mga tinukoy na drop zones.
Pinayuhan din ang mga residente sa lugar na iwasang pulutin kung may makikitang mga debris dahil maaaring nagtataglay ito ng toxic substances. (DDC)