MAGTUTULOY-tuloy ang Pagmimina at Quarrying sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Rizal hanggang sa taong 2048.
Ayon kay Rizal Governor Nina Ynares, ito ay matapos i-award ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang panibagong 2,928 na ektarya ng lupain sa pamamagitan ng isang kasunduan na nagpapahintulot ng Pagmimina at Quarrying hanggang taong 2048.
Inihayag ito ni Ynares kaakibat ng paliwanag na labinglimang taon nang nananawagan si Ynares sa pangulo ng bansa at sa DENR upang mahinto ang Mining at Quarrying Activities sa ating lalawigan.
Pinakabagong hakbang ng Provincial Government ay noong June 19 lamang kung saan muli itong sumulat sa National Government para ihirit ang panawagan.
Sa kabila nito sinabi ni Ynares na patuloy na ginagawa ng pamahalaang panlalawigan ang parte nito upang mapangalagaan ang natural na ganda ng Rizal.
Ayon sa gobernadora, katuwang ang Pribadong Sektor at MGOs umabot na sa mahigit 1.6 milyong puno ang naitanim sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.