NANAWAGAN ang Eastern Samar Provincial Government sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na bilisan ang pagkukumpuni sa dalawang mahahalagang tulay, dahil pinalalala ng load limits ang krisis sa langis sa lalawigan.
Sa statement, inihayag ng Provincial Development Council (PDC) na aprubado na ang resolusyon na humihiling sa DPWH na tibayan ang Coticot Bridge sa bayan ng Giporlos at Lawaan Bridge sa bayan ng Lawaan.
Ang dalawang luma at nasisira na tulay sa kahabaan ng main route na nag-uugnay sa Tacloban City patungong commercial districts sa Eastern Samar ay isinara sa mga sasakyan na may bigat na mahigit limang tonelada simula noong March 11.
Sinabi ng local officials na sa pamamagitan ng pagpapatibay sa mga naturang tulay, matitiyak ang ligtas na pagdaan ng fuel tankers at mabibigyan ng prayoridad ang delivery ng langis sa Eastern Samar.
Dahil sa kasalukuyang load limit, pinayuhan ang mga motorista na dumaan sa mas mahabang ruta mula Sta. Rita patungong Paranas sa bayan ng Samar para makapunta sa Eastern Samar.




