Biniberipika pa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pag-ako ng Islamic State o ISIS sa karumal-dumal na pagpapasabog sa gymnasium sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City noong linggo.
Sinabi ni AFP Public Affairs Office Chief Colonel Xerxes Trinidad na bukod sa ISIS ay iniimbestigahan din nila ang Dawlah Islamiyah-Maute Group sa pag-atake na ikinasawi ng apat katao at ikinasugat ng hindi bababa sa limampung iba pa.
Inihayag ni Trinidad na pinag-aaralan ng AFP at PNP ang bombang ginamit upang matukoy ang grupong nasa likod ng pagpapasabog.