SAGOT na ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang bayad sa emergency procedures at iba pang serbisyo para sa mga pasyenteng hindi na kailangan pang i-confine sa ospital.
Ito, ayon sa Malakanyang, matapos ilunsad ng PhilHealth ang Outpatient Emergency Care Benefit (OECB) package.
Sa press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary, Atty. Claire Castro, na saklaw ng OECB na epektibo noon pang Feb. 14, ang iba’t ibang emergency cases ng common health issues, gaya ng pagkahilo at diarrhea.
Binigyang diin ni Castro na ang naturang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Na pagbutihin at palawakin ang mga benepisyo para sa mga Pilipino sa pamamagitan ng PhilHealth.
Idinagdag ng palace official, na batay sa latest advisory mula sa health insurer, hindi na kailangan ng hiwalay na akreditasyon para sa OECB, dahil otomatiko na itong kasama sa accreditation process para sa lahat ng PhilHealth facilities.