NAGSUMITE ang Office of the Solicitor General (OSG) ng manifestation sa Supreme Court para hilingin ang pagtalikod sa petisyong inihain ng mga anak ni Dating Pangulong Rodrigo Duterte, na humihirit na palayain at pauwiin ito sa Pilipinas mula sa The Hague, Netherlands.
Ang paghahain ng naturang manifestation ay kinumpirma mismo ni Solicitor General Menardo Guevarra, kahapon.
Sa siyam na pahinang motion, sinabi ng OSG na maaring hindi nito epektibong mai-representa ang respondents sa mga kaso, bunsod ng matibay nitong posisyon na walang hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas.
Ang manifestation ng OSG ay para sa Consolidated Habeas Corpus petitions na inihain nina Veronica “Kitty” Duterte, Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, at Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, sa Korte Suprema.
Samantala, inihayag ni Supreme Court Spokesperson, Atty. Camille Ting, na tumanggap din sila ng motion upang alisin si Guevarra bilang party respondent.