Nakipagpulong ang Metropolitan Manila Development Authority sa mga organizers ng ikakasang malawakang kilos protesta laban sa korapsyon na gaganapin sa Setyembre 21, 2025, araw ng Linggo.
Sinabi ni MMDA Chairman Atty. Don Artes, batay sa programa ng iba’t ibang grupo, ang mga lalahok sa protesta ay magmumula sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila, magmamartsa, at magtitipon sa EDSA People Power Monument, EDSA Shrine, at mayroon din sa Luneta.
Ang MMDA ay magdedeploy ng mga kawani para sa traffic management, crowd control, at emergency response.
Sa EDSA People Power Monument, plano ng MMDA na magbukas ng zipper lane sa bahagi ng White Plains Avenue sakaling kailanganin at gagamitin ang bahagi ng Temple Drive bilang parking area.
Inaabisuhan ang mga dadalo sa protesta na iparada ang kanilang sasakyan sa mga shopping malls o kaya ay gamitin na lamang ang MRT at LRT lines patungo sa venue.




