Tinanggap ng Provincial Government ng Samar ang kauna-unahan nitong Gawad Kalasag Seal para sa Local DRRM Councils and Offices Category sa katatapos lamang na 23rd Gawad Kalasag Seal and Special Awards for Excellence in Disaster Risk Reduction and Management and Humanitarian Assistance.
Kinilala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang lalawigan ng Samar, sa pamamagitan ng kanilang Provincial Disaster Risk Reduction and Management (PDRRM) Office, bilang fully compliant, matapos makapasa sa iba’t ibang yugto ng assessment mula sa Regional Selection, National Desk Evaluation, National Field Validation hanggang sa Final Deliberation.
Ikinatuwa ni Governor Sharee Ann Tan ang natanggap na award, kasabay ng pagpapasalamat at sinabing matagal na nilang kinikilala ang kahalagahan ng disaster preparedness sa community building.
Idinagdag ng gobernador na pinaigting ng lokal na pamahalaan ang kanilang paghahanda laban sa mga kalamidad kaya umaapela rin siya sa publiko na ganito rin ang kanilang gawin.
Bukod sa lalawigan ng Samar, kinilala rin ang mga munisipalidad ng Tarangnan at Marabut bilang fully compliant, at pinagkalooban din ng Gawad Kalasag Seal.