ITINAKDA ang 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF) Parade of Stars, sa Dec. 21, araw ng Sabado, sa Maynila, sa ganap na alas dos ng hapon.
Saklaw ng parada ang 12-kilometer route mula sa Kartilya ng Katipunan sa Ermita hanggang sa Manila Central Post Office sa Liwasang Bonifacio.
Sa Facebook, inihayag ng MMFF na sampung makukulay na floats ng mga kalahok na pelikula sa festival ang mapapanood ng fans at film enthusiasts.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), isasara ang mga kalsadang saklaw ng ruta, at magpapatupad ng Stop-And-Go Scheme sa mga tukoy na kalsada sa mismong araw ng parada.
Ang mga kalahok na pelikula ay kinabibilangan ng “And The Breadwinner Is…,” “Green Bones,” “Uninvited,” “Isang Himala,” “The Kingdom,” “Espantaho,” “Hold Me Close,” “Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital,” “My Future You,” at “Topakk” na ipalalabas sa mga sinehan sa Dec. 25, 2024 hanggang Jan. 7, 2025.