Bida ngayon sa Maynila ang mga batang innovator mula sa iba’t ibang panig ng mundo matapos buksan ang World Robot Olympiad (WRO) Asia Pacific Open Championship 2025 noong ika-19 ng Setyembre hanggang 21 sa Le Pavilion, Metropolitan Bay Area sa Pasay City.
Mahigit tatlumpung bansa ang lumahok sa prestihiyosong kompetisyon na nakatutok sa robotics at artificial intelligence. Tampok dito ang mga kabataang Pinoy na sabik ipakita ang kanilang talento at galing sa larangan ng teknolohiya.
Layunin ng event na palawakin ang interes ng kabataan sa STEM education—science, technology, engineering at mathematics—habang pinauunlad ang kanilang creativity at problem-solving skills. Para sa Pilipinas, malaking hakbang ito sa pagtutulak ng makabagong edukasyon at inobasyon, lalo na sa mga lugar na nagsisimula pa lamang sa digital transformation.
Sa likod ng makukulay na robot at AI projects, makikita ang pag-asa na balang araw ay magiging bahagi ng mga makabagong solusyon ang kabataan para sa mga suliranin sa lipunan—mula sa kalikasan, kalusugan, hanggang sa ekonomiya.
Ang pagho-host ng bansa sa ganitong international event ay malinaw na senyales na handa ang Pilipinas na makipagsabayan sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya sa buong mundo.