Iniimbestigahan ng Philippine Coast Guard (PCG) kung sangkot ang tatlong barkong responsable sa Bataan oil spill sa oil smuggling o “paihi” sa iba pang vessels habang nasa karagatan.
Sinabi ni PCG National Capital Region (NCR)-Central Luzon Spokesperson, Lt. Commander Michael John Encina na inaalam ng kanilang investigating team ang totoong dahilan kung bakit lumubog ang MT Terranova, MTKR Jason Bradley, at MV Mirola sa katubigan ng Bataan bago nangyari ang insidente.
Sa ilalim ng sistema ng “paihi,” ang mga langis mula malaking barko ay inililipat sa mas maliliit na sasakyang pandagat upang iwasan ang pagbabayad ng buwis.
Tiniyak ni Encina na kapag may resulta ang kanilang imbestigasyon ay agad nila itong ilalahad upang maging transparent sa dahilan ng pagtagas ng langis mula sa tatlong barko.
Una nang inihayag ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na naghihinala ang kanilang ahensya na posibleng may sabwatan na maaring nagresulta sa maritime disaster sa Bataan.