BINUWELTAHAN ng malakanyang si dating pangulong Rodrigo Duterte dahil sa garapalang pag-uudyok sa militar na magkudeta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, isang makasariling motibo ang panawagan ng pagpapatalsik sa nakaupong pangulo upang ang kanyang anak na si Vice President Sara Duterte ang umakyat sa pwesto.
Tila handa rin umano ang dating pangulo na gamitin ang pinaka-sukdulan ng kasamaan upang matupad ang kanyang plano, sa pamamagitan ng paghikayat sa mga sundalo na bumaligtad sa kanilang tungkulin.
Hindi umano katanggap-tanggap ang marahas na pang-aagaw ng kapangyarihan sa pamamagitan ng pagpaslang, panggugulo, at pag-aalsa.
Tiniyak ni Bersamin na hindi titiklop ang administrasyon sa sinumpaang tungkulin na pamunuan ang sambayanan, alinsunod sa saligang batas at rule of law, at ipagtatanggol ang legasiya nang naaayon sa batas.
Hinikayat din ng palasyo ang mga duterte na maghintay na lamang sa tamang panahon at sumunod sa tamang pamamaraan.




