INAPRUBAHAN ni Maguindanao Del Sur Gov. Datu Ali Midtimbang ang resolusyon ng Provincial Board para sa pagsasailalim sa buong lalawigan sa State of Calamity.
Kasunod ito ng malawakang pagbaha noong nakaraang linggo, na nakaapekto sa mahigit animnapu’t isanlibong pamilya o mahigit tatlundaang libong indibidwal.
Kabilang sa mga inilikas ang nasa dalawandaang limampung pasyente mula sa Buluan District Hospital na inilipat sa Provincial Capitol Building noong Biyernes, sa kasagsagan ng pagtaas ng tubig.
Inihayag ni Vice Governor Hashim Nando na sa pamamagitan ng deklarasyon ay paiigtingin ng Provincial Government ang kanilang Relief Operations sa mga biktima ng baha.
Suspendido rin ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Datu Piang, Mangudadatu, at Pagalungan dahil karamihan ng mga barangay sa mga nabanggit na bayan ay lubog pa rin sa baha.