Inaresto ng mga tauhan ng Rodriguez Municipal Drug Enforcement Team (MDET) ang mag live-in partner na kapwa tulak ng ipinagbabawal na gamot sa Rodriguez, Rizal.
Ayon sa ulat ng Rizal Police Provincial Office, ikinasa ng mga otoridad ang buy-bust operation laban sa dalawang suspek sa Brgy. Balite.
Nakuha mula sa kanila ang sampung pakete at isang nakataling ice bag na may lamang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit isang milyong piso.
Na-recover din ang dalawang piraso ng P1,000 na ginamit bilang buy-bust money.
Dinala ang mga nakumpiskang ebidensya sa Rizal Provincial Forensic Unit para sa dokumentasyon.
Kasalukuyan namang nakapiit ang mga suspek sa Rodriguez Custodial Facility na nahaharap sa reklamong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.