NASUNGKIT ni Karl Eldrew Yulo, nakababatang kapatid ni Olympic Gold Medalist Carlos Yulo, ang Bronze Medal sa Floor Exercise Final ng 2025 Artistic Gymnastics Junior World Championships, sa Marriott Grand Ballroom sa Pasay City.
Nagtapos ang nakababatang Yulo sa ikatlong pwesto, matapos makakuha ng score na 13.733, sunod sa Gold Medalist na si Yang Lanbin ng China na may 13.833 at Silver Medalist Simone Speranza ng Italy na may 13.766.
Sa kabila ng iniindang sprained ankle na tinamo sa All-Around Finals noong Sabado, kung saan nagtapos lamang siya sa ikawalong pwesto, sinabi ni Eldrew na nakakaiyak na nakaabot siya sa Podium Finish.
Ito ang unang medalya ng Pilipinas sa lahat ng tatlong editions ng Fig-Sanctioned Junior World Championships, at pati na sa World Level.




