NANAWAGAN ang Department of Education (DepEd) sa mga Alkalde sa Leyte na tumulong sa kampanya ng ahensya na himukin ang mga kabataan na nag-dropout ngayong school year na bumalik sa kanilang pag-aaral.
Ginawa ni DepEd Leyte Schools Division Superintendent Mariza Magan ang apela sa League of Municipalities in the Philippines Leyte Chapter, sa pamamagitan ng kanilang Presidente na si Palo Mayor Remedios Petilla sa stakeholder’s meeting kahapon.
Sa records, kabuuang 383,515 learners ang nagpa-enroll bago magbukas ang klase ngayong school year, subalit 377,631 lamang ang kasalukuyang pumapasok sa mga eskwelahan.
Sinabi ni Magan na karaniwang dahilan ng hindi pagpasok ng mga estudyante ay kinailangan nilang maghanap ng trabaho upang makatulong sa kanilang mga pamilya.
Kabilang aniya sa iba pang dahilan ay kawalan ng interest sa pag-aaral, kahirapan, lumipat ng bahay, at problema sa pamilya.
Idinagdag ni Magan na maaring matugunan ang problema sa school dropouts sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga panggabing klase.
Sa apatnapung bayan sa Lalawigan ng Leyte, ang Bayan ng Alangalang ang tanging mayroong night classes na may limampu’t anim na enrollees.