PINAALALAHANAN ng Department of Education (DepEd) ang mga guro na huwag basta-basta mag-post ng class list sa online.
Ayon sa DepEd, dapat ay panatilihing protektado ang impormasyon ng mga learner.
Sa ilalim ng National Privacy Commission (NPC) Advisory Opinion No. 2020-0461, hindi inirerekomenda ang pagpo-post ng class roster na mababasa ang full name ng estudyante, school name, grade level at section sa mga public platforms.
Itinuturing kasing Sensitive Personal Information sa ilalim ng Data Privacy Act (DPA) ang nasabing mga datos.
Ayon sa DepEd, maaari lamang itong gawin kung nasa private group na exclusive lamang para sa mga magulang ng mga bata at ang layunin ay ipaalam lamang ang section ng estudyante.