TATLO katao ang nilapatan ng lunas matapos masugatan sa kasagsagan ng traslacion o prusisyon ng apatnaraang taong Imahen ng Hesus Nazareno, kahapon, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ito’y makaraang tangkain ng mga deboto na lumapit at umakyat sa andas o sa karwahe na pinagpapatungan ng Imahen ng Itim na Poon.
Ayon sa MMDA, ang unang pasyente ay nahiwa sa kanang paa sa kahabaan ng Katigbak Drive, at inendorso ito sa istasyon ng Department of Health (DOH) sa Quirino Grandstand para tahiin ang sugat.
Sa Katigbak Drive din nasugatan ang ikalawang pasyente na umuwi na lamang matapos malinisan ang sugat sa paa, habang ang ikatlo ay nagtamo ng mga gasgas sa binti sa Finance Road at dinala sa DOH tent sa Quirino Grandstand.
Inihayag din ng MMDA na umabot na sa isandaan dalawampung indibidwal ang nalapatan nila ng first aid, simula noong Martes.