Magsasagawa ang grupo ng mga manggagawa ng kilos-protesta ngayong Lunes para himukin si pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahan bilang urgent ang panukalang 150 pesos na umento sa sweldo.
Sinabi ni Nagkaisa Labor Coalition spokesperson Renato Magtubo, na magtitipon-tipon ang grupo ng mga manggagawa sa ilalim ng National Wage Coalition, ngayong alas syete ng umaga sa kahabaan ng University Avenue, sa Diliman, Quezon City.
Ang National Wage Coalition ay binubuo ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), Kilusang Mayo Uno (KMU), Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), at Nagkaisa Labor Coalition.
Inihayag ni Magtubo na magdaraos sila ng programa bago simulan ang kanilang martsa sa kahabaan ng Commonwealth Avenue patungong Batasang Pambansa kung saan gaganapin ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni pangulong Marcos.
Idinagdag ni Magtubo na dapat ding tugunan ng pangulo ang kakulangan ng regular employment sa bansa at ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.