NANAWAGAN si Eastern Samar Governor Ben Evardone kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tulungan ang mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng mas madaling access sa pondo sa ilalim ng People’s Survical Fund (PSF) upang matugunan ang climate change concerns.
Ginawa ni Evardone ang pahayag sa pagtitipon na dinaluhan ng mga Gobernador at Alkalde mula sa Eastern Visayas sa “Handa Pilipinas” Visayas Leg na idinaos sa Summit Hotel sa Tacloban City para sa ika-sampung anibersaryo ng pananalasa ng Super Typhoon Yolanda noong Nov. 8.
Ayon sa Gobernador, ang PSF sa ilalim ng Republic Act 10174, ay itinatag noong 2012 upang isama ang long-term finance stream para payagan ng gobyerno ang mga LGU na epektibong matugunan ang mga problemang dulot ng climate change.
Binibigyan din nito ng access ang local governments sa pondo upang makatulong sa kanilang resources para sa pagpapatupad ng climate change-related projects.
Hiniling ni Evardone sa Pangulo na luwagan ang mahigpit na requirements upang mapadali ang pag-access ng mga lokal na pamahalaan sa naturang pondo.