30 January 2026
Calbayog City
National

Hindi lang bilis kundi reliable at accessible internet sa Oplan Bantay Signal – Sen. Tulfo

INIHAYAG ni Senador Erwin Tulfo ang mariing suporta sa Oplan Bantay Signal ng Department of Information and Communications Technology (DICT), ngunit iginiit na ang layunin ng maayos na serbisyo ng internet ay dapat magtuon sa accessibility, lalo na sa mga kanayunan – at pagiging maaasahan, hindi lamang sa paghabol sa mataas na resulta ng mga speed test.

Ayon kay Tulfo, bagama’t mahalagang bahagi ang bilis ng internet, nararapat na bigyang pantay na diin ng DICT ang pangunahing pangangailangan ng publiko para sa tuloy-tuloy, maaasahan, at malawak na saklaw ng koneksyon.

Ipinaliwanag ng senador na madalas ituring ang bilis bilang pangunahing sukatan ng kalidad ng serbisyo, subalit kasinghalaga rin ang matatag na digital infrastructure at interoperable infostructure, dahil ang mga ito ang nagsisiguro ng matibay at mapagkakatiwalaang koneksyon sa oras ng pangangailangan.

Nilinaw ni Tulfo na ang infrastructure ay tumutukoy sa pisikal na digital assets tulad ng linya ng kuryente, cell towers, at fiber cables, habang ang infostructure naman ay ang information layer – kabilang ang datos, software, mga plataporma, at sistema – na nagbibigay-buhay at bisa sa mga pisikal na pasilidad na ito.

Binigyang-diin din ng senador na ang kalidad ng online services – na sinusukat sa accessibility, pagiging maaasahan, at pagpapanatili ng serbisyo ng mga broadband provider at operator – ay higit pa sa usapin ng bilis at susi sa efficient internet connectivity para sa mga Pilipino.

Dagdag pa ni Tulfo: “Bagama’t may pagsisikap ang industriya ng telco na pababain ang gastos sa internet services sa bansa, nararapat pa ring masusing suriin ang halaga ng internet, sapagkat sa panahong ito, ang internet ay maituturing nang isang batayang karapatang pantao na dapat abot-kaya ng bawat Pilipino.”

Ipinahayag din ng senador ang suporta sa pagsusuri kung paano maaaring pababain ang gastos sa internet sa pamamagitan ng subsidy sa kuryente, lalo’t kilala ang Pilipinas bilang isa sa may pinakamataas na singil sa kuryente sa Asya – isang sangkap na direktang nakaapekto sa data centers, internet services, at iba pang industriya.

Batay sa datos ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), umaabot sa humigit-kumulang 13 porsiyento ng buwanang kita ng mahihirap na pamilya ang ginagastos sa home internet connections, habang hanggang 7 porsiyento naman ng kita ng low-income households ang napupunta sa internet.

Itinampok din ni Tulfo ang a cessibility bilang mahalagang elemento sa pagsusuri ng kalidad ng internet service sa buong bansa.

Iniulat ng PIDS na ang kakulangan sa broadband infrastructure at serbisyo ay pinakamalala sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa 41 porsiyento.

Sa Cordillera, nagiging hadlang ang mabundok na komunidad sa last-mile connectivity, dahilan upang maraming lugar ang walang Internet Service Provider (ISP). Sa Region IV-B, ang pagiging arkipelago ng rehiyon ay nagdudulot ng kawalan ng “complete presence” ng internet services. Limitado rin ang
Wi-Fi access sa mga liblib na rural areas sa iba’t ibang rehiyon.

Sa naunang pahayag, sumang-ayon si Stratbase Deputy Managing Director Orlando Oxales sa mga pananaw ni Tulfo, iginiit na ang kalidad ng serbisyo ay dapat nakatuon sa pagiging maaasahan at pagpapanatili, at hindi lamang sa mga speed-test figure.

“Maaaring ‘mabilis’ ang koneksyon ngunit nananatiling hindi maganda ang karanasan kung ito’y hindi matatag, madalas mag-buffer, o bumabagsak sa mga mataong lugar. Mas mahalaga sa mga gumagamit ang tuloy-tuloy na performance kaysa sa peak speed,” ayon kay Oxales.

donna cargullo

Chief News Correspondent
A passionate Mom of Three Kids, A Hands-on Loving Wife to Junmar. A top caliber News Producer who worked previously from Different News Organizations based in Manila like Radyo Inquirer & RMN Manila. Currently one of the producers of BuenaMano Balita & at the same time the Chief Correspondent of IR Calbayog.