KINUMPIRMA ng grupong Hamas ang pagkamatay ng kanilang Political Leader na si Ismail Haniyeh, sa Israeli strike sa Iran, kung saan dumalo ito sa inagurasyon ng bagong presidente ng bansa.
Ang pagkakapaslang kay Haniyeh ay kasunod ng pag-atake ng Israel sa balwarte ng Hezbollah sa Beirut na ikinasawi rin ng senior commander ng Iran-Backed Group na responsable umano sa rocket attack sa Golan Heights.
Sa statement, inihayag ng Palestinian Militant Group na nasawi si Haniyeh sa Zionist Strike sa kanyang headquarters sa Tehran, pagkatapos dumalo sa inagurasyon ng bagong Iranian president.
Inanunsyo rin ng revolutionary guards ng Iran ang pagpanaw ni Haniyeh, sa pagsasabing binomba ang tahanan nito sa Tehran, at kasama nitong nasawi ang isang bodyguard.