Pinaghahanda ng Philippine Rice Research Institute o PhilRice ang mga magsasaka ng palay sa mga lalawigan na maaaring daanan ng bagyong Isang.
Ayon sa PhilRice, aabot sa 455,089 na ektarya ng palayan sa Luzon ang maaaring maapektuhan ng hanging Habagat pati na ng bagyong Isang sa pagbaybay nito sa kalupaan ng Luzon.
Partikular na inabisuhan ng PhilRice ang mga magsasaka sa mga lalawigan kung saan inaasahang mararanasan ang matinding pag-ulan gaya ng La Union, Pangasinan, Benguet, Quirino, Nueva Vizcaya, Aurora, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro.
Habang katamtaman hanggang malakas na ulan naman ang dala ng bagyo sa Ifugao, Cagayan, Isabela, Nueva Ecija, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Rizal, Laguna, Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, Cavite, Batangas, Marinduque, Romblon, Oriental Mindoro, at Palawan.