HINDI bababa sa siyamnapu’t lima ang nasawi sa Kerman City sa Iran kasunod ng kambal na pagsabog malapit sa libingan ng pinaslang na military commander na si Qasem Soleimani.
Ang mga pagsabog na tinawag ng opisyal na “Terror Attack” ay kasabay ng ika-apat na anibersaryo ng kamatayan ni Soleimani na nasawi sa US Air Strike.
Ayon sa State-Run News Agency na Irna, bukod sa mga nasawi ay mahigit dalawandaan ang nasugatan sa pag-atake.
Nagbabala ang Irna na posibleng tumaas ang death toll dahil ilan sa mga nasugatan ay nasa kritikal na kalagayan.
Si Soleimani ay napaslang sa airstrike na ipinag-utos ni noo’y US President Donald Trump sa Baghdad International Airport, apat na taon na ang nakalipas.