NAGLULUKSA ang Commission on Elections sa pagpanaw ni James Jimenez, dating Spokesperson at Director IV ng Education and Information Department ng COMELEC.
Kinilala ng komisyon ang mahigit labinlimang taong serbisyo ni Jimenez, na naging pinakamahabang nagsilbi at pinakabatang spokesperson ng isang ahensya ng pamahalaan noong panahon ng kanyang paghirang.
Mula 2006 hanggang 2022, siya ang naging boses ng komisyon sa pagpapaliwanag ng mga proseso sa halalan at pagtataguyod ng transparency at voter education.
Ipinagmalaki ng COMELEC na si Jimenez ang nagpasimuno ng official social media platforms ng komisyon, na nagpalawak ng access ng publiko sa impormasyon at katanungan tungkol sa halalan.
Nagpaabot ng pakikiramay ang komisyon sa pamilya at mga kaanak, at kinilala ang ambag ni Jimenez sa pagpapalakas ng tiwala ng publiko sa proseso ng eleksyon.




