HUMILING ang Office of the Solicitor General (OSG) ng limang araw na extension mula sa deadline na itinakda ng supreme court sa paghahain ng tugon hinggil sa petisyon na kumukwestyon sa ligalidad ng 2025 General Appropriations Act (GAA).
Sa apat na pahinang mosyon, idinahilan ng OSG na bagaman tapos na ang draft ng kanilang komento ay isinasailalim pa ito sa karagdagang revisions o corrections bago ito isumite.
Binigyang diin din na ang mosyon ay hindi para i-delay ang proceedings, kundi dahil lamang sa naturang dahilan.
Una nang inatasan ng kataas-taasang hukuman ang malakanyang, senado, at kamara, na magkomento sa loob ng sampung araw, hinggil sa Petition for Certiorari and Prohibition na inihain ng mga kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Enero.
Natanggap ng OSG ang kopya ng resolusyon noong Feb. 12, at ang tugon ay dapat maisumite hanggang sa Feb. 22.