OPISYAL na isinailalim ang Northern Samar sa State of Calamity kasunod ng malawak na pinsalang iniwan ng Super Typhoon Uwan.
Sa Official Facebook Page ng Provincial Government, inihayag na inaprubahan ang deklarasyon sa special session noong Nov. 14, batay sa rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), na pinamunuan ni Governor Harris Ongchuan.
Layunin ng deklarasyon na pabilisin ang disaster response ng lalawigan, gayundin ang rehabilitasyon, at recovery initiatives, partikular ang mga komunidad na labis na naapektuhan.
Ayon sa PDRRM Office, nagdulot ang Super Typhoon Uwan ng malawak na pinsala sa residential areas, infrastructure, at essential lifeline services.
Sa Rapid Damage Assessment and Needs Analysis report, 49,327 families ang lumikas habang ang kabuuang pinsala sa lahat ng sektor ay umabot sa 119.1 million pesos.




