24 June 2025
Calbayog City
Local

Eastern Visayas, isinailalim sa State of Calamity bunsod ng San Juanico Bridge Crisis; PPA, naglaan ng P400M para i-upgrade ang Samar Port

IDINEKLARA ng Malakanyang ang State of Calamity sa Eastern Visayas.

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ng Proclamation No. 920 ang pagsasailalim sa State of Calamity sa Eastern Visayas sa loob ng isang taon, upang bigyang daan ang rehabilitasyon sa San Juanico Bridge.

Sinabi ng pangulo na ang State of Calamity na epektibo noong June 5 ay maaring bawiin ng mas maaga o palawigin, depende sa sitwasyon.

Nakasaad sa proklamasyon na sa pamamagitan ng deklarasyon ng State of Calamity, ay mapabibilis ang pagkukumpuni at rehabilitasyon sa 2.16 kilometers na tulay na nag-uugnay sa Samar at Leyte.

Mabibigyan din nito ang national government, pati na ang Local Government Units ng sapat na panahon para magamit ang kinakailangang pondo para sa repair at ligtas na pag-upgrade ng San Juanico Bridge.

Sa kabila naman, naglaan ang Philippine Ports Authority (PPA) ng 400 million pesos para sa modernisasyon at palawakin ngayong taon ang Amandayehan Port sa Basey, Samar, na pinakamalapit na wharf para sa Roll-On, Roll-Off (RORO) vessels mula at patungo sa Regional Capital.

Sinabi ni PPA Acting Manager for Eastern Leyte and Samar Kahlil Lamigo, na sa gitna ng San Juanico Bridge Crisis, nangako ang PPA na i-upgrade ang port, gamit ang kanilang operating budget.

Sa impormasyon mula sa kanilang Central Office, inihayag ni Lamigo na 200 million pesos ang inilaan para sa physical expansion ng port, 100 million pesos para sa dredging works, at 100 million pesos para sa paglalagay ng navigational buoys.

Idinagdag ni Lamigo na ang expansion ay para itaas pa ang vessels at cargo volume habang ang installation ng navigational aids ay upang tiyakin ang ligtas na pagdaan ng mga barko, lalo na sa gabi.

ricky

Editor-in-Chief
A seasoned broadcast journalist, a former news reporter/anchor of Inquirer Television/Radio Inquirer-Manila under the Inquirer Group of Companies (IGC).