NAKIKIPAG-ugnayan na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa port authorities sa Samar upang matiyak na ang mahahalagang infrastructure projects, gaya ng Calbayog Coastal Road Project, ay magpapatuloy nang wala ng mga balakid.
Ang proyekto, na may kasamang bridge component, ay idinesenyo para magsilbing alternatibong ruta para sa motoristang bumabagtas mula Calbayog City patungo sa Brgy. Rawis, Brgy. Aguit-itan, at Brgy. San Policarpo.
Sa pamamagitan nito, inaasahang luluwag ang trapiko sa kahabaan ng Maharlika Highway at sa main commercial district ng lungsod.
Gayunman, sa isinagawang inspeksyon kamailan, sinermunan ni DPWH Secretary Vince Dizon ang mga opisyal ng Samar 1st District Engineering Office dahil sa pagsisimula ng konstruksyon ng tulay nang walang vertical clearance mula sa Philippine Ports Authority (PPA).
Nilinaw naman ni Dizon kalaunan na nakausap na niya ang PPA at lumalabas na manageable ang current height ng tulay, at walang panganib na babangga ang mga barko sa istruktura.




