INALERTO ng Department of Health (DOH) ang kanilang mga ospital na i-monitor ang mga sakit na may kinalaman sa tinatawag na holiday heart syndrome, sa harap ng pagdiriwang ng pasko at bagong taon.
Ayon sa DOH, ang holiday heart syndrome ay isang kondisyon na dulot ng sobra-sobrang pagkonsumo ng alkohol, stress, kawalan ng pahinga, at pagkain ng sobrang alat at tabang mga pagkain na nagpapataas ng blood pressure.
Maari umano itong mauwi sa arrhythmia o abnormal heart rhythm na isa sa mga sanhi ng stroke.
Sa Philippine Heart Center lamang, nasa animnapung kaso ng stroke ang naitala simula hulyo hanggang nobyembre, habang karagdagang pitong kaso ang humabol bago mag-pasko o mula Dec. 1 hanggang 20.
Sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon city, mayroong 339 stroke discharges na nai-record simula Enero hanggang Nobyembre.