TILA naaliw si David Licauco sa nakakatawang komento mula sa mga netizen na nagpaalala sa kanya tungkol sa “three-month rule.”
Sa ipinost na litrato sa Facebook habang nagre-relax sa isang balcony, dinagsa ng mga mensahe ang comments section, kabilang na ang payo sa three-month rule bago siya manligaw at maghintay ng tamang panahon.
Ang ibig sabihin ng naturang rule ay ang hindi pagpasok ng isang indibidwal sa isang relasyon sa loob ng tatlong buwan pagkatapos ng breakup sa nagdaang karelasyon.
Bilang tugon naman sa mga komento ng netizen, nagpadala ang aktor ng grinning face with sweat emoji.
Wala mang binanggit na pangalan ang netizens sa kanilang comments, subalit nangyari ito matapos kumpirmahin ni onscreen love-team partner ni David na si Barbie Forteza na break na sila ng longtime boyfriend na si Jak Roberto.