PINANGALANAN ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman and CEO Alejandro Tengco si dating Presidential Spokesman Harry Roque na tumulong sa sinalakay na POGO Firm sa Porac, Pampanga para mag-reapply ng lisensya.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado sa mga ni-raid na POGO Hubs, sinabi nito na July 2023 nang samahan ni Roque si Katherine Cassandra Li Ong, ang authorized representative ng Lucky South 99, sa meeting sa kanyang opisina para pag-usapan ang mga problema sa billing ng POGO Firm mula sa PAGCOR.
Ayon kay Tengco, pinakiusapan siya nina Roque at Ong na bigyan ng pagkakataon ang POGO Firm na magbayad ng kanilang arrears sa loob ng anim na buwan na nagkakahalaga ng 500,000 dollars, na binayaran na nila sa pamamagitan ni Dennis Cunanan pero hindi natanggap ng PAGCOR.
Sinabi rin ni Tengco na hiniling nina Roque at Ong na makapag reapply ng lisensya ang POGO Firm dahil mapapaso na ito nang mga panahong iyon.
Sinegundahan ito ni PAGCOR Offshore Gaming Licensing Department Head Jessa Fernandez na kasama rin sa naturang meeting, sa pagsasabing kinontak siya ni Roque ng anim na beses para mag-follow up ng reapplication ng lisensya ng Lucky South 99.
Gayunman, kapwa nilinaw nina Tengco at Fernandez na hindi sila prinessure ni Roque para bigyan ng lisensya ang naturang POGO Firm.