POSIBLENG nagpadausdos at hindi itinulak si Dating DPWH Undersecretary Ma. Catalina Cabral, batay sa 3D scan ng bangin kung saan narekober ang kanyang katawan, ayon sa PNP.
Sa press briefing, kahapon, sinabi ni PNP Forensic Group Officer-In-Charge Police Colonel Paul Carpio, na makikita ang layo ng katawan ng biktima, 0.2 meter lamang mula sa paanan ng bangin.
Aniya, kung itinulak si Cabral, may tsansa na mas malayo pa ito kung saan narekober ang kanyang bangkay.
Idinagdag ni Carpio na may gasgas ang kamay, pati na ang likod ng DPWH official kaya malaki ang posibilidad na ito ay nagpadausdos.
Dec. 18 nang matagpuang unconscious at unresponsive si Cabral, dalawampu hanggang tatlumpung metro sa ibaba ng Kennon Road sa Tuba, Benguet, ilang oras matapos i-report ng kanyang driver ang pagkawala nito, makaraang iwan sa gilid ng kalsada.




