4 July 2024
Calbayog City
Local

DA Eastern Visayas, target lumago ng 8.7 percent ang produksyon ng bigas ngayong taon

TARGET  ng Department of Agriculture (DA) sa Eastern Visayas na lumago ng 8.7 percent ang produksyon ng bigas ngayong taon sa harap ng inaasahang minimal na epekto  ng El Niño phenomenon sa rehiyon.

Sinabi ni DA Regional Executive Director Andrew Orais na target nilang makapag-harvest ng 918,003 metric tons ng palay ngayong taon, mas mataas kumpara sa 844,372 metric tons na aktuwal na naani noong 2023.

Aniya, inaasahang mas marami ang maaaning bigas ngayong taon dahil walang  malakas na bagyo na tumama sa bansa at ang below normal na rainfall ay bahagi lamang ng weather condition sa rehiyon.

Batay sa pinakahuling ulat, wala kahit isa sa anim na lalawigan sa Eastern Visayas ang kabilang sa listahan ng El Niño-hit provinces sa bansa.

Sa projected regional harvest, 480,091 metric tons ay magmumula sa mga palayan sa Leyte; 167,099 MT sa Samar; 85,808 MT sa Northern Samar; 71,728 MT sa Southern Leyte; 56,981 MT sa Eastern Samar; at 56,296 MT sa Biliran.

Layunin ng DA regional office na malagpasan ang kanilang 2023 rice production sa Eastern Visayas upang masuportahan ang iba pang mga rehiyon na malubhang naapektuhan ng El Niño phenomenon.

ricky
A seasoned broadcast journalist, a former news reporter/anchor of Inquirer Television/Radio Inquirer-Manila under the Inquirer Group of Companies (IGC).

    Leave a Reply

    Your email address will not be published. Required fields are marked *