TILA may nakikitang kuneksyon si Palace Press Officer at Undersecretary Claire Castro sa naging pagbabanta sa kaniya ng self-claimed Diehard Duterte Supporters at sa naging pagsasampa ng reklamo laban sa kaniya ni Batangas Rep. Leandro Leviste.
Sa isang panayam, sinabi ni Castro na isa lamang ang nakikita niyang “agenda” sa mga hakbang na ito ay ang patahimikin siya at gipitin ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Tinawag ni Castro na “drama” ang mga hakbang na ito para palabasin na ang gobyerno ang nanggigipit gayong ang totoong nangyayari ay sinisiraan nila ang gobyerno para maisulong ang kanilang agenda na patalsikin sa pwesto si Pangulong Marcos.
Samantala, nagpahayag ng kumpiyansa si Castro na magiging patas ang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa imbestigasyon kay Leviste at kumpanyang pag-aari nito.
Una nang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na iniimbestigahan si Leviste sa pagbebenta umano ng prangkisa ng kaniyang solar energy business nang walang consent ng kongreso.




