KINUMPIRMA ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na ang usapin sa Charter Change ang pangunahin dahilan niya sa pagsusulong ng pagpapalit ng liderato sa Senado.
Nilinaw ni Escudero na ito ay sa kanyang panig lamang at iba pa ang mga dahilan ng labing apat pang senador na lumagda sa resolusyon para sa pagpapatalsik kay dating Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri.
Ikinuwento ng bagong senate president na minsan na silang nagkataasan ng boses sa caucus makaraang kwestyunin niya ang patuloy na pagdinig sa Resolution of Both Houses No. 6 o ang economic cha-cha bill.
Matatandaang kinuwestyon ni Escudero ang kawalan noon ng malinaw na polisiya at patakaran para sa pagtalakay sa panukala na ituturing na ordinaryong panukala subalit pagdating ng botohan ay kinakailangan ng 3/4 votes para maaprubahan.
Sa panig ng senate leader, iginiit niya kung bakit kinakailangan pang humantong sa botohan, gayung alam naman na talo na ang panukala.