24 December 2024
Calbayog City
Local

Calbayog City, nakamit na ang Stable Internal Peace and Security ayon sa AFP

Nakamit na ng Calbayog City ang estado ng Stable Internal Peace and Security (SIPS), ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ang deklarasyon ay ginanap noong September 10, 2024, sa Calbayog Sports Center at dinaluhan ng mga opisyal ng pamahalaan at kinatawan ng iba’t ibang sektor.

Present sa naturang event sina Samar Congressman Stephen James “Jimboy” Tan, Calbayog City Mayor Raymund “Monmon” Uy, Vice Mayor Rex Daguman, mga konsehal ng lungsod, mga punong barangay, at mga pinuno ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Dumalo rin ang mga kinatawan mula sa militar at kapulisan, kasama sina Deputy Brigade Commander ng 803rd Infantry Brigade na si Col. Ericson Rosana, LTC Nasser Arojo, Commanding Officer ng 43rd Infantry Battalion, 8th Infantry Division, at PCOL Antonietto Eric Mendoza, Provincial Director ng Samar Police Provincial Office (SPPO).

Ayon kay LTC Nasser Arojo, ang Calbayog ay ngayon itinuturing na cleared, unaffected, at relatively peaceful, dahil sa kooperasyon ng Calbayog community at ang dedikasyon ng mga sundalo ng 43rd Infantry Division, mga lokal na opisyal, at mga tagapagpatupad ng batas.

Sinabi pa niya na ang deklarasyon ng SIPS ay unang hakbang lamang patungo sa mas malawak na oportunidad para sa ekonomiya, imprastruktura, at turismo ng lungsod.

Dagdag ni Arojo, kumpiyansa siya na ang likas na yaman ng Calbayog ay makatutulong nang malaki sa kaunlaran ng buong siyudad, lalo na’t wala nang banta ng terorismo o insurhensiya na maaring magdulot ng pagkaantala sa progreso nito.

Ang deklarasyon ng Calbayog ay nasa Phase 3 ng SIPS, na nangangahulugang ang Calbayog City ay cleared na mula sa major threats ng insurhensiya at terorismo, at handa na para sa pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran.

Kasama rin sa programa ang paglagda ng Memorandum of Understanding sa pagitan ng mga stakeholders, paglagda sa Wall of Commitment, at ang symbolic dove letting bilang tanda ng kapayapaan at pagkakaisa ng mga Calbayognon.

jm somino

Editor
JM Somino is a news contributor who writes both straight news and pieces focused on travel and inspiration. With experience in leadership and teaching, he manages the JM Travel & Inspiration social media accounts, where he shares content that motivates and encourages others