Umakyat na sa labinlima ang bilang ng mga Pilipino na nasugatan kasunod ng magnitude 7.2 na lindol na tumama sa Taiwan noong nakaraang linggo, ayon sa Department of Migrant Workers.
Tiniyak naman ng DMW na lahat ng labinlimang Pinoy ay tumanggap ng paunang medical treatment at na-discharge na mula sa mga ospital.
Sinabi ng ahensya na sa ngayon ay nagpapagaling na ang mga ito sa kani-kanilang company dormitories at accommodations, at naka-schedule na rin ang kanilang follow-up consultations at check-ups.
Sinabi ng DMW na bawat nasugatang Pinoy ay makatatanggap ng 30,000 pesos na financial assistance mula sa pamahalaan ng Pilipinas.
Mahigpit ding binabantayan ng migrant workers office sa Taipei ang kondisyon ng mga nasugatang Pilipino, sa pakikipagtulungan ng kani-kanilang mga kumpanya at medical authorities.