UMABOT na sa isandaan dalawampu’t lima ang bilang ng mga nasugatan dahil sa mga paputok, dalawang araw bago ang pagsalubong sa bagong taon.
Ayon kay Department of Health (DOH) Spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, naitala ito simula Dec. 21 hanggang Dec. 29.
Aniya, mas mababa ito ng 27 percent kumpara sa 171 cases na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Karamihan sa mga nasugatan ay mula sa National Capital Region na nasa limampu’t pito; sumunod ang Ilocos Region, labindalawa; at Central Luzon, labing isa.
Samantala, ang mga pangunahing sanhi ng injuries ay 5-star, mga hindi tukoy na paputok, boga, kwitis, unlabeled o imported firecrackers, at whistle bomb.
Mga bata ang karamihan sa mga nasugatan na ang edad ay lima hanggang labing apat.
Samantala, lumobo na sa mahigit apatnaraan ang bilang ng mga aksidenteng naitala ng Department of Health (DOH) sa gitna ng pagdiriwang ng holidays.
Simula Dec. 21 hanggang 29, sinabi ng DOH na kabuuang 414 na ang bilang ng mga aksidente sa kalsada ang kanilang naitala, kabilang ang 305 na kinasangkutan ng motorsiklo.
Dalawampu’t siyam na mga bagong kaso ang nadagdag, batay sa datos mula sa sampung sentinel hospitals na mino-monitor ng ahensya.
Ayon DOH, apat na indibidwal ang nasawi bunsod ng aksidente sa motorsiklo.
Sa kabuuang kaso, 343 ang hindi gumamit ng safety accessories, gaya ng helmet at seatbelt habang limampu’t walo ang nakainom ng alak nang masangkot sa aksidente.




