NADAGDAG sa nabawasang Gilas Pilipinas pool si Troy Rosario ng Barangay Ginebra, bago ang third and final window ng 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers sa susunod na buwan.
Kinumpirma ito ni National Team Head Coach Tim Cone, kasunod ng injuries nina Kai Sotto at Kevin Quiambao.
Sinabi ni Cone na makakasama nila sa biyahe si Rosario patungong Doha, Qatar kung saan sasabak ang Gilas sa serye ng friendly games bilang paghahanda sa February window.
Kinuha ng Gilas ang Barangay Ginebra wingman para sa additional scoring at height, matapos ma-rule out si Sotto bunsod ng ACL injury habang si Quiambao ay kailangang magpahinga kasunod ng foot injury na tinamo nito sa paglalaro sa Korean Basketball League.