AMINADO si Senador Sherwin Gatchalian na nakababahala pa rin ang resulta ng pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan bahagyang tumaas ang insidente ng pagkagutom sa bansa.
Sinabi ni Gatchalian na kahit bahagya lamang ang itinaas ng datos, nangangahulugan pa rin ito na maraming pamilyang Pilipino ang nakararanas ng Food Insecurity o Kawalan ng Sapat na Pagkain.
Ipinaliwanag ng senador na ang bawat porsyento ng pagtaas sa gutom ay katumbas ng libu-libong pamilyang hindi nakakakain ng sapat, na dapat tingnan bilang panawagan para sa mas agresibong aksyon mula sa pamahalaan.
Binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng pamumuhunan sa sektor ng agrikultura upang mapabuti ang produksiyon ng pagkain at mapababa ang presyo nito.
Ayon pa sa mambabatas, mahalaga ring palawakin ang mga Feeding at Nutrition Programs, lalo na sa mga lugar na mataas ang antas ng kahirapan.
Hinimok din ni Gatchalian ang mga ahensya ng pamahalaan na maging mas masigasig sa pagpapatupad ng mga programa laban sa gutom upang matiyak na walang Pilipinong maiiwan sa laban para sa seguridad sa pagkain.