NILAGDAAN na ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang National Budget Circular No.597, na nagtatakda ng guidelines, rules at regulations para sa ikalawang tranche ng salary increase para sa mga civilian government workers.
Inisyu ang nasabing circular na naaayon sa pagpapatupad ng updated Salary Schedule para sa mga Civilian Personnel alinsunod sa Executive Order (EO) na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. noong Agosto 2024.
Ayon kay Pangadaman, ipatutupad ang ikalawang bahagi ng salari increase ngayong January 2025.
Nakasaad sa EO No. 64 na ang updated na Salary Schedule ay dapat ipatupad sa mga National Government Agencies sa apat (4) na tranches, kung saan ang unang tranche ay simula Enero 1, 2024, ang ikalawa sa Enero 1, 2025, ang ikatlo simula sa Enero 1, 2026, at ang ikaapat at huling tranche ay magsisimula sa Enero 1, 2027.
Sakop ng salary increase ang lahat ng civilian government personnel sa ilalim ng sangay ng Ehekutibo, Lehislatibo, at Hudikatura, mga Constitutional Commission at iba pang Constitutional Offices, State Universities and Colleges, at Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs).
Tatanggap ng increase ang mga kawani anuman ang status ng kanilang appointment – regular man, casual, o contractual, appointive o elective, at maging ang nasa full-time o part-time basis. (DDC)