NAGHAIN si Mon Confiado ng cybercrime complaint laban kay “Ileiad,” ang content creator na nag-post ng “copypasta” na gumawa ng istorya tungkol sa aktor.
Sa Facebook, ibinahagi ni Mon ang litrato niya sa National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division para ipabatid sa content creator na hindi siya nagbibiro, at nakapagsampa na siya ng kaso.
Aniya, dapat itong seryosohin upang maging aral sa lahat, at umaasa siyang personal niyang makikita sa korte ang kanyang inireklamo, na ang tunay na pangalan ay Jeff Jacinto.
Binigyang diin ng aktor na ang paggamit ng pangalan at larawan ng walang pahintulot ay krimen, at hindi lahat ng jokes ay nakakatawa at para sa lahat.
Batay sa tinahing kwento, na-meet daw ng content creator si Mon sa grocery at magpapa-picture daw ito pero dinuro-duro siya ng aktor sa mukha at hindi nito binayaran ang labinlimang milky way chocolate bars, at pinagsisigawan ang cashier ng grocery. Pinalalabas pa sa istorya na magnanakaw ang aktor.