PLANO ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na gumamit ng bagong Construction Method para mapaiksi ang rehabilitasyon sa EDSA, na pinakaabalang kalsada sa Metro Manila.
Sinabi ni DPWH – National Capital Region Director, Engr. Loreta Malaluan na sa pakikipagtulungan ng Metropolitan Manila Development Authority at ng Department of Transportation, ini-explore nila ang available road materials, procedures, at technologies na maaring i-adapt para maisagawa ang EDSA Rehabilitation Program sa pinamaiksing panahon.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paiksiin ang rehabilitasyon sa EDSA mula sa orihinal na dalawang taon at gawing anim na buwan lamang hanggang isang taon.
Sa orihinal na plano, gagawin ang reconstruction sa EDSA nang Lane-By-Lane, at bawat isa ay papalitan ng bagong kalsada.
Ipinaliwanag ni Malaluan na ang bagong method na pinag-aaralan ay hindi na kailangang bakbakin ng buo ang daan, bagkus ay iko-correct lamang ang “base” ng kalsada sa pamamagitan ng konkreto at aspalto.