TINIYAK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko na mabilis na kumikilos ang pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan at pagpapauwi sa mga Pilipino sa Israel at Iran, kasunod ng umiigting na kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Sa recorded message, sinabi ng pangulo na inakyat sa Level 3 ang alerto sa dalawang bansa, na ang ibig sabihin ay activated ang Voluntary Repatriation Program ng gobyerno.
Ayon kay Pangulong Marcos, nagbigay na ang pamahalaan ng food packs at financial help sa mga apektadong Pinoy.
Karamihan din aniya ay nananatili sa Migrant Workers Hostel, na nakahanda na ang karagdagang espasyo sakaling kailanganin.
Samantala, ginarantiyahan din ng punong ehekutibo ang matatanggap na comprehensive assistance ng mga OFW pagbalik nila sa bansa, kabilang ang 150,000 na financial aid, temporary accommodation, transportation, at livelihood support.