NAKAKARAMDAM pa rin ng pananakit si Dating Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. na nangangailangan ng Constant Medial Observation, ayon sa kanyang legal counsel.
Sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio na nakausap niya ang mga doktor ng kanyang kliyente at sinabi nilang ang pananakit na nararanasan ni Teves ay bunsod ng Post-Operative Complications, na hanggang “10 out of 10” sa Pain Scale, kaya kailangan ng atensyon ng isang Pain Management Doctor.
Si Teves ay sumailalim sa Appendectomy sa Philippine General Hospital noong nakaraang linggo.
Idinagdag ni Topacio na binibigyan ng “powerful painkillers” ang kanyang kliyente at hindi makakain o makainom, kaya pinakakain ito sa pamamagitan ng intubation.
Noong Martes ay inilabas ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang dating mambabatas at dinala sa ospital bunsod ng matinding pananakit ng tiyan.