SINIBAK ng Office of the Ombudsman si Albay Governor Edcel Greco “Grex” Lagman sa pwesto nito bunsod ng Grave Misconduct kaugnay ng pagtanggap ng payola mula sa jueteng.
Itinanggi naman ni Lagman ang naturang alegasyon at sinabing iaapela niya ang desisyon.
Sa labinlimang pahinang desisyon, inihayag ng Ombudsman na nasa animnapung bank deposits slips, kasama ang initial accusatory affidavits ng complainant at mga witness, napatunayan na tumanggap si Lagman ng payola na nagkakahalaga ng 8.1 million pesos mula August 2019 hanggang June 2022.
Sinabi rin ng Ombudsman na ang mga payola na ibinigay sa respondent na noo’y vice governor ay kapalit ng pabor at proteksyon sa operasyon ng jueteng at paglaganap ng iligal na sugal sa lalawigan.
Nabigo rin umano ni Lagman na pabulaanan ang alegasyon laban sa kanya at inamin na pag-aari niya ang bank accounts kung saan idineposito ang naturang halaga.