HINDI bababa sa siyam na katao ang nasawi sa pagputok ng Mount Lewotobi Laki-Laki sa Indonesia, na naglabas ng lava, dahilan para ipag-utos ng mga awtoridad ang paglikas sa iba’t ibang kalapit na lugar.
Ayon kay Hadi Wijaya, tagapagsalita ng The Center of Volcanology and Geological Hazard Mitigation, pumutok ang mount Lewotobi Laki-Laki, sa Flores Island sa East Nussa Tenggara Province, at nagbuga ng nag-ngangalit na kulay pulang column ng lava, volcanic ash, at mga nagbabagang bato.
Pagkatapos ng pagsabog ng bulkan ay nagkaroon ng power outage saka umulan at gumuhit ang matatalim na kidlat sa kalangitan, dahilan para mag-panic ang mga residente.
Ang naturang insidente ay kasunod ng pagputok ng iba’t ibang bulkan sa Indonesia, gaya sa Mount Ibu, sa Remote Island ng Halmahera; Ruang Volcano sa North Sulawesi; at Mount Marapi sa West Sumatra Province, noong Mayo.